Saturday, January 3, 2009

Alay kay Yaya

Subukan mong tanungin ang isang bata kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya...

Hindi maiiwasan na sa isa o higit pang punto sa buhay ng isang tao, ay humanga siya, ilagay sa pedestal ang hinahangaan, at mangarap na maging katulad ng kanyang iniidolo. Lahat tayo ay may iniidolong isa o higit pang personalidad sa ating tanang buhay. Maaaring totoong nilalang, o produkto ng imahinasyong naipapalabas sa samu't saring uri ng literatura, nguni't ang lahat ng ito ay dulot lamang ng ating pagnanais na makahanap ng modelong maaring sundan, tularan, at kung makakaya ay maging.


Ang iconolatry, mula sa mga salitang Griyego eikon [imahe], at latreia [pagsamba o pagrespeto], ay ang pagsamba sa isang imahe, na karaniwang gawain ng mga miyembro ng isang relihiyon. Ang konseptong ito ay nakakabit sa konsepto ng Iconoclasm o ang pagbubuwag ng mga icons, o imaheng sinasamba ng isang kultura. Nagkaroon ng iba't ibang occurences ng iconoclasm sa kasaysayan ng sangkatauhan, at kadalasan ay ginagamit sa mga malawakang pulitikal at relihiyosong pagbabago. Sa konteksto ng pananampalatayang Kristiyano, ang iconoclasm ay suportado ng Ten Commandments-- do not make an image or any likeness of what is in the heavens above.


Sa rumaragasang panahon, hindi man sa pangrelihiyong konteksto ay nagkakaroon pa rin ng pang-iidolo.

sa tanong sa itaas, hindi malayong isagot ng isang bata ang isang karakter sa isang fairy tale, cartoons o ng isang nakatatandang kamag-anak. ang choice sa pagpili ng iidolohin ay nakasalalay sa exposure ng bata at sa mga impluwensiyang bubuo sa kanyang ideal world.

Ang Cinderella, isa sa mga pinakapopular na fairytale sa mundo, embodiment ng good-over-evil at ng they-lived-happily-ever-after, ay ang kuwento ng isang maganda at mabait na dalaga na inaalila ng kanyang madrasta at dalawang stepsister. Nang ang prinsipe ng kaharian ay nasa tamang edad na upang mag-asawa at mamuno, naghanda ng isang malaking sayawan ang palasyo at inimbitahan ang lahat ng kababaihan sa buong lugar. Dahil sa mas nakalalamang sa ganda si cinderella, at pinagnanasaan ng kanyang madrasta na yumaman, ay gumawa siya ng paraan upang hindi makadalo si Cinderella. Sa tulong ng kanyang fairygodmother, ay nakapunta siya sa palasyo sakay ng isang magarang karwaheng minahika mula sa isang pumpkin, at suot-suot ang isang eleganteng gown at ang [tanyag] na glass slippers. Nguni't kailangan niyang makauwi bago ang hatinggabi dahil mawawalan ng bisa ang mahika sa pagsapit nito. instant love o love at first sight ang nangyari ng magkita ang prinsipe at si Cindy, nguni't nang malapit ng ang takdang oras, ay nagmadali sa pag-alis si Cindy at tanging ang isang kapares lamangng kanyang glass slippers ang naiwan. sa huli, kahit pigilan ng madrasta ang nakatakda, nagtagpo muli ang prinsipe at si Cinderella sa tulong glass slippers na ipinasukat sa buong kaharian at sa wakas, they lived happily ever after.


Marami sa atin ang nakakarelate sa rags-to-riches theme na siyang pinakatema ng istorya. Lalo na sa panahon natin ngayon at sa estado ng ating pambansang ekonomiya sa world standards, hindi malayong marami sa ating mga kababaihan ang nangangarap na maging si Cinderella. Hindi man nila tuwirang iniidolo ang nasabing karakter, ang kanilang mga sakripisyo't at pagtitiis ay inaasahan nilang prelude lamang sa grandiyosong buhay sa hinaharap kasama ang kanilang prinsipe. Hindi rin kaila sa atin na sa desperasyong makaahon, ang ating mga Pinay Cinderella na rin ang gumagawa ng paraan upang gawing karwahe ang kalabasa. Hindi na rin sila nag-aantay ng isang sayawan, sila na mismo ang nagtatawag sa kanilang mga prinsipe. Mail-order-bride. ang katuparan ng pangarap ng isang Pilipinang makaaho't mamuhay ng matiwasay, matulungan ang pamilya, masuklian ang mga dinanas na hirap. Mail-order-bride, ang ating modern day Pinay Cinderella.


Marami pang icons ang 'sinasamba' sa ngayon, conspicuous man o hindi. Ang Da King sa bakbakan at ayaw-kalye, ang Marimar na reyna ng sayawan at ng paghihiganti sa masaklap na buhay, si Maria clara --ang epitome ng lahat ng katangian ng isang tunay na Pilipina--at marami pang iba. Tinitingala at hinahangaan ang mga icons na ito hindi dahil sa sikat sila, kundi dahil na rin sa nirerepresenta nitong mga katangian ng isang tao at sa inihahandog nilang pag-asa at inspirasyon. Sinasabi ng mga icons na ito na kahit mahirap at maliit lamang ang isang indibidwal ay hindi siya maaring tapak-tapakan ng kahit na sino, dahil may dignidad sila bilang isang tao [tema ng mga pelikula ni Daking]...na ang pag-ibig ay walang hindi napagtatagumpayang mga balakid at ang nasa ibaba ay maaring makarating rin sa rurok [tulad ng sa Marimar]. Si Maria Clara, mahinhi't maganda,ang dapat na maging ng kahit na sinong Pilipina, nguni't sa kasamaang palad, dahil na rin sa modernasisayon at impluwensiya ng mga Kanluraning gawi ay tila naglalaho na rin ang imahe ng ating si Maria Clara.


Kung sa nakalipas ay ipinagbawal ang pagsamba sa mga idolo dahil hindi ito katanggap tanggap [Christian context] at dahil sa instrumento ito bilang mas epektibong paraan sa pagpapalaganap ng makabagong pamumuno at paniniwala, kung kaya nawala ang iconolatry, sa panahon ngayon, ang mga tao ay masidhing hinihikayat na magkaroon ng isang icon na susundan. sa pamamagitan ng mass media, ineexpose nila sa maraming tao ang kanilang mga "manufactured icons"


Marami ang maaaring gawing interpretasyon sa pang-iidolo, maaring kawalan ng sense of security sa ating mga sariling personalidad kung kayat hinayaang hanapin sa iba ang hindi natin mahanap sa ating mga sarili, o pwede rin namang purong pagkamangha lamang sa mga naturang icon ang nagudyok sa ating "hawakan" silang malapit sa ating mga pansariling pilosopiya sa buhay. Maaari rin namang ang pagnanais nating mapabuti ang ating pagkatao kung kaya tayo ay umiidolo.


Ano man ang mga nagtulak sa ating mang-idolo ay hindi na nito matitinag ang katotohanang sa mundo natin ngayon, lahat tayo--conscious man o hindi-- ay gumagalaw ayon sa kung ano ang inaasahan nating gagawin din ng ating idol sa parehong sitwasyon. Lahat ng ito ay tungo sa ating pagnanais na makapag-iwan ng ating sariling legacy sa mundo tulad ng nagawa ng ating mga icons [imagination man o totoong tao o "manufactured icon" man iyan]...maging inspirasyon sa iba, maging icon ng susunod na henerasyon.


Ang 'Alay kay Yaya' ay isang pagpupugay para sa aking idolo noong ang aking mundo ay puro bahaghari't fairy tales pa lamang na may kasamang kaunting kuryosida't kalokohan. Lingid sa kaalaman ng marami kong kakilala, hindi ako naghahangad na maging isang propesyonal -- guro, abogado, doktor, artista-- dahil tanging ginusto ko lamang noon ay sundan ang yapak ng aking yaya [actually yayo]. Gusto kong mag-alaga, at magpahanggang sa ngayon, ay hindi pa rin nawawala ang aking pagkahumaling sa mga sanggol. Kaya para sa Yayo, kahit binato kita noong hindi mo ko ginawang ng gatas, at kahit hindi ko na rin maalala ang pangalan at itsura mo, saludo ako sa iyo sa pag-alaga sa akin at sa kapatid [ata] mong nag-alaga sa ate ko.



Lavarias, Alyssa Katrina G
2008-63028, BS PH, Blk 22
College of Public Health
University of the Philippines--Manila

----------------------------------------------
Sources:
Iconolatry. (
7 August 2008), In Wikipedia, The Free Encyclopedia.
Retrieved: 3 January 2009, 9:10 PM, from http://en.wikipedia.org/wiki/Iconolatry

Iconoclasm. (2 January 2009), In Wikipedia, The Free Encyclopedia.
Retrieved: 3 January 2009, 9:13 PM, from http://en.wikipedia.org/wiki/Iconoclasm

The Ten Commandments. ( 2 January 2009),
In Wikipedia, The Free Encyclopedia.
Retrieved: 3 January 2009, 9:18 PM, from http://en.wikipedia.org/wiki/Ten_Commandments

Cinderella. ( 2 January 2009), In Wikipedia, The Free Encyclopedia.
Retrieved: 3 January 2009, 9:34 PM, from http://en.wikipedia.org/wiki/Cinderella


No comments: