Sa isang bayang lugmok tulad ng Pilipinas, masarap isiping may nilalang na nakatadhanang magligtas sa atin.
Samu't saring bersyon, iba't ibang palamuti upang higit na mapamangha ang mga mambabasa sa alamat ni Bernardo Carpio. Subali't ang lahat ng mga ito ay sumesentro sa ideyang ipit sa dalawang naguumpugang bundok ang ating bida at bawat galaw nito ay nagdudulot ng malakas na lindol.
Isa sa mga bersyon ng kuwentong ito ay naganap diumano noong panahon ng mga Kastila. si bernardo, na tubong-san Mateo Rizal ay kasama sa kilusan laban sa mga Kastila, at ito ay ikinatakot ng mga Kastila dahil sa lakas na taglay ni Bernardo--lakas na maihahambing sa taglay ni Hercules--kung kaya't humingi sila ng tulong sa isang engkantado. Gumawa ng bitag ang engkantado upang papuntahin siya sa isang kuweba sa mga bundok ng Montalban gamit ang kanyang agimat. Nang pumasok si Bernardo sa loob ay agad namang nagsimulang magumpugan ang dalawang bundok na nagkulong kay Bernardo. Hindi nagawang makatakas ni Bernardo at sa bawat lindol na nararamdaman sa lugar ay dulot diumano ng pagsubok ni Bernardo na makaalis sa kuweba.
Isa rin namang bersyon--na tila tumatak bilang isang matalinghagang simbolismo sa buhay ng mga Pilipino--ay pagkakagapos nito sa mga kadena kung kaya't hindi ito makaalis. Nabanggit ni Jose Rizal sa kanyang nobelang El Filibusterismo na kapag tuluyan ng nakalaya mula sa pagkakagapos sa kadena si Bernardo ay makakalaya na rin ang mga Pilipino mula sa opresyon.
Ginamit man bilang isang simbolo ng kalayaan noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas si Bernardo Carpio, ay tila buhay pa rin sa mga Pilipino ang diwa nito. Ang ating ngayong Bernardo Carpio ay hindi na simbolo ng kalayaan laban sa mga Kastila kundi ng kalayaan mula sa ating sariling nagdirilim na kapalaran.
Subalit gaano man kasarap ang ideyang may natatago pa tayong pag-asa, minsa'y nakaka-umay na rin. Hindi ko na nga malaman kung tayo ba ang pinalalakas ang loob ni Bernardo o ang ating desperasyong may mapanghawakan tayong haligi sa panaho n ngayon ng krisis ay ang siyang bumubuhay sa diwa ng sinisimbolo ni Bernardo.
hindi ko nais pairalin muli ang aking pesimismo ukol sa kapalaran ng ating bansa, nguni't bilang pagtatapos sa artikulong ito, nais ko na lamang kayong iwan ng katanungan
isang simbolo ba ang kailangan natin upang makaramdam ng pag-asa?
ilang simbolo ba ang kakailanganin natin upang mapagpasiyahang tama na, oras na?
at higit sa lahat, tayo ba ay binubuhay ng kung anong matalinghagangsimbolo, o tayo ang magiging simbolo ng muling pagkabuhay ng ating bansa?
Lavarias, Alyssa Katrina
2008-63028
University of the Philippines-Manila
College of Public Health
BSPH, Blk 22
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment